'Miriam walang modo' - SC
MANILA, Philippines - Tahasang kinondena ng Supreme Court si Sen. Miriam Defensor Santiago dahil sa “pambabastos” at kawalang galang sa mga mahistrado na binansagan nitong mga “tanga” (idiots) matapos masopla ang ambisyong maging kasapi ng korte noong 2006.
Gayunman, sa inilabas na desisyon ng Mataas na Hukuman, kaugnay ng rek lamong isinampa ng isang Antero Pobre, nakasaad na tanging ang respeto ng korte sa “separation of powers”at “parliamentary immunity” ng mambabatas ang pumigil sa mga mahistrado na tuluyang sibakin sa pagiging abugado si Santiago tulad ng kahilingan ni Pobre.
Pero binigyang diin ng Korte na lumabag si Santiago sa Canon 8 and Canon 11 ng Code of Professional Responsibility ng mga abugado. “To the court, the lady senator has undoubtedly crossed the limits of decency and good professional conduct,” anang desisyon.
Magugunita na noong Disyembre 6, 2006, sa privilege speech ni Santiago sa plenaryo ng Senado 2006, nagbitiw siya ng mga masasakit at mga bastos na salita laban sa mga mahistrado matapos mabatid na hindi siya ang magiging kapalit ni Justice Artemio Panganiban, ang chief justice ng mga panahong iyon, na malapit nang magretiro.
“Nasusuka ako. Dinuduran ko ang mukha ni Chief Justice Artemio Panganiban at kanyang mga kasabwat sa Korte Suprema, hindi na ako interesado sa posisyon kung napapalibutan naman ako ng mga tanga,” ang mga katagang binanggit noon ni Santiago na dahilan upang magalit ang SC sa kanya.
Ayaw pa namang magkomento ni Santiago dahil hindi pa umano nito natatanggap ang kopya ng desisyon.
Ang desisyon ng SC ang pinakahuli sa mga kontrobersiyang kinasangkutan ni Santiago sa mga nakaraang araw. Una nang umani ng mga batikos si Santago sa “paglaglag” kay Pang. Macapagal Arroyo sa eskandalo ng multi-milyong hapunan sa US trip nila noong isang buwan. Panay rin umano ang batikos ngayon ni Santiago sa Malacañang bilang paghahanda sa paglipat nito sa kampo ni Sen. Manny Villar.
- Latest
- Trending