Resibo ng P1-milyon dinner hanap
MANILA, Philippines - Nasaan ang resibo ng pinagbayaran ng grupo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang maghapunan sila sa isang mamahaling restawran sa New York bago sila umalis ng Amerika pabalik ng Pilipinas noong nakaraang linggo?
Ito ang tanong kahapon nina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. at Senator Francis Escudero kaugnay ng kontrobersyal na hapunan ng grupo ng Pangulo sa Le Cirque restaurant sa New York na umabot sa halos P1 milyon ang binayarang chit para sa kinain nilang mga pagkain at ininom.
Sinabi ni Escudero na, kung nais talagang maging transparent ng Malacañang, walang masama kung ilalabas nito ang resibo at patunayan na hindi pera ng taumbayan ang ginastos sa marangyang hapunan.
Nauna rito inaako ni Leyte Rep. Martin Romualdez na siya ang nagbayad ng nasabing bill at hindi ang Malacañang.
Sinabi naman ni Pimentel na bagaman wala namang batas na nagbabawal sa isang presidente na kumain sa mamahaling restaurant at magbayad ng $20,000 para rito, hindi aniya ito magandang balita dahil marami ang nagugutom na tao sa Pilipinas.
Ayon naman kay Escudero, hindi rin tama ang pagpapakita ng karangyaan sa gitna ng nararanasang hirap ng maraming Pilipino.
Dapat sana aniya ay sa isang Filipino restaurant na lamang kumain ang entourage ng Pangulo.
Sinang-ayunan ni Anakpawis partylist Rep. Joel Maglunsod ang pahayag ni Escudero sa pagsasabing, sa kabila ng katotohanan na may apat na milyong Pilipino ang nakakaranas ng taggutom, nagagawa pa ng matataas na opisyal ng pamahalaan na kumain ng caviar at uminom ng mamahaling champagne sa mamahaling restawran sa New York.
Sinabi pa ni Maglunsod na hindi lang ang insidente sa New York ang unang pagkakataon na naglustay ng pera ng bayan ang Pangulo at kanyang mga kaalyado tuwing bibiyahe sa ibayong-dagat.
Idiniin ni Press Secretary Cerge Remonde na personal na pera ni Rep. Romualdez ang ipinambayad sa restaurant.
- Latest
- Trending