Lakas-Kampi iligal - JDV
MANILA, Philippines - Pormal na hiniling kahapon ni Pangasinan Congressman at dating Speaker Jose de Venecia sa Commission on Elections na ipawalambisa ang pagsasanib ng mga maka-administrasyong partidong Lakas-CMD at ng Kabalikat ng Malayang Pilipino.
Sinabi ni de Venecia na iligal ang pagsasanib ng Lakas-CMD at ng Kampi dahil walang naganap na national assembly at botohan para magsanib at maging isang pambansang partido pulitikal na naghahanda sa halalan sa 2010.
Kabilang si de Venecia sa nagtatag sa Lakas-CMD at nanunungkulan siyang president nito bago siya nagbitiw sa puwestong ito at natanggal bilang Speaker of the House nang talikuran niya si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi naman ni de Venecia na wala ring pormal na convention ng lahat ng lider ng Lakas bago ito isinanib sa Kampi na orihinal na partido ng Punong Ehekutibo.
Pinuna niya na ang naganap noong Marso 10 na sinasabing pagsasanib ng dalawang partido ay pagtitipon lang ng national director ng Lakas-CMD at pagpapaapruba sa mga susog sa Konstitusyon nito.
Kung wala anyang national convention, walang bisa ang pagsasanib ng Lakas-CMD at Kampi.
Pero sinabi ni Presidential Political Adviser Gabriel Claudio na nanggugulo lang si de Venecia sa pagsasanib ng dalawang makaadministrasyong partido.
Pinuna ni Claudio na, noong si de Venecia pa ang namumuno sa Lakas, pursigido itong isinusulong ang pakikipagsanib ng partido sa Kampi. Nagbago na ang posisyon nito ngayong hindi na ito lider ng Lakas.
Ayon naman kay House Speaker Prospero Nograles, walang karapatan si de Venecia na magreklamo dahil hindi na ito miyembro ng Lakas.
Wala na rin anyang karapatan si de Venecia na maimbitahan sa anumang pulong ng partido.
Bukod dito, ayon pa kay Nograles, binuwag na ang Lakas-CMD kaya wala nang pakialam si de Venecia sa bagong partido.
- Latest
- Trending