Pamilya ng Pinay stewardess nagpasaklolo
MANILA, Philippines - Humingi na ng tulong kay Senador Manny Villar ang pamilya ng stewardess na Pinay ng bumagsak na eroplanong Yemeni sa Indian Ocean kamakailan.
Sa kanyang sulat sa Senador, hiniling ni Gng. Lucia Libron na tulungan silang matagpuan at maiuwi sa Pilipinas ang kanyang anak na si Camille Lou Castillo, 26, isa sa 11 crew ng bumagsak na Yemenia Airlines Airbus 310 na may lulang 153 pasahero mula Yemen patungong Comoros Island.
Ayon kay Gng. Libron, ang kanyang anak ay namatay sa pagbagsak ng eroplano pero hindi pa makumpirma ng Yemenia Airlines kung nabuhay, namatay o nawawala ito.
Binigyang-diin ni Gng. Libron sa kaniyang sulat na dalaga pa ang kaniyang anak, taliwas sa ulat na nagka-asawa ito ng Yemeni. “Ito ay paglapastangan sa dangal ng aking anak,” aniya.
Dahil dito, kaagad nanawagan si Villar sa Department of Foreign Affairs upang bigyan ng kaagad na tulong ang pamilya ng nawawalang si Camille.
Ang masalimuot na kundisyon na kinakaharap ng maraming OFW ang nagtulak kay Villar upang aktibong isulong ang “no-fault insurance system,” isang uri ng seguro para sa mga OFW kapag sila ay inabot ng sakuna o disgrasya. Ang kanilang kumpanya ang kukuha ng seguro para sa kanila upang hindi na kailanganin ang kasong sibil para makakuha ng danyos.
Inihain ni Villar ang kanyang Senate Bill 3040 o ang Overseas Contract Workers Insurance Act na nag-uutos ng pagkuha ng seguro para sa lahat ng mga OFW bilang karagdagan sa kanilang benepisyo mula sa Overseas Workers Welfare Administration. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending