Doktor ni Jacko iniimbestigahan na
MANILA, Philippines - Kasalukuyang iniimbestigahan ng Los Angeles Police ang personal na doctor ng yumaong King of pop star na si Michael Jackson kaugnay ng mga gamot na iniinom nito noong buhay pa dahil sa hinalang na-overdose sa pain killer ang singer.
Nang unang mapansing hindi humihinga si Jackson sa tinutuluyan niyang mansion sa Los Angeles, California sa United States, ang tumitingin sa kanya at nagtangkang sa gipin siya sa huling sandali ay ang sarili niyang cardiologist na si Dr. Conrad Murray.
Dahil dito, kukuwestyunin ng pulisya si Murray na nanggagamot sa California, Nevada at Texas.
Kinumpiska rin ng pulisya ang kotse ni Murray para tignan kung merong nakatago ritong mga gamot.
Nakausap na anya agad ng mga pulis si Murray makaraang mamatay si Jackson pero gusto pa nila itong imbestigahan.
Sa kabila nito, idiniin ng pulisya na hindi suspek si Murray bukod sa nakikipagtulungan naman ito sa kanila.
Kasabay nito, sinabi ng coroner’s office na walang indikasyong may foul play sa pagkamatay ng singer noong Huwebes pero aabutin pa ng apat hanggang anim na linggo bago malinawan ang tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay. Kabilang sa sinusuri kung may kinalaman dito ang mga gamot na iniinom ni Jackson.
Ayon sa tagapagsalita ng coroner, may mga iniinom na gamot si Jackson noong buhay pa ito pero hindi niya tinukoy kung anong klaseng gamot.
Ayon sa mga ulat, may tumawag sa emergency hotline na 911 hinggil sa kalagayan ni Jackson. Nagtungo ang fire paramedics sa mansiyon at dinala si Jackson sa UCLA Medical Center pero doon na ito binawian ng buhay.
Isang assistant police chief ng Los Angeles Police Department na si Charlie Beck ang nagsabing maaga pa para magkaroon ng konklusyon sa pagkamatay ni Jackson na naunang idineklara ng mga duktor na inatake sa puso.
Samantala, kinukuwestyon ng mga awtoridad ang pagkuha ni Jackson ng serbisyo ni Murray.
Nasa Los Angeles ng panahong iyon si Jackson para sa pagpapraktis sa kanyang mga concert na nakatakdang simulan sa London sa England sa susunod na buwan.
Hiningi niya sa promoter ng concert na AEG Live na kunin si Murray para isama niya sa London. (Wires)
- Latest
- Trending