Lacson 'nakipag-ayos' na kay GMA?
MANILA, Philippines - Nakipag-areglo ba si Senador Panfilo Lacson kay Pangulong Gloria Ma capagal-Arroyo?
Lumilitaw ang katanungang ito dahil sa mga kaganapan sa nagdaang mga araw mula nang makabalik sa Pilipinas si dating Police Senior Supt. Cesar Mancao para tumestigo sa kasong pagpaslang sa publicist na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito.
Naunang isinangkot ni Mancao sa kaso si Lacson na dati niyang hepe sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force at hepe ng Philippine National Police nang mapaslang sina Dacer.
Nang dumating sa bansa si Mancao noong Hunyo 4, nilagdaan ng Pangulo ang isang kautusan na nagtatalaga kay Department of Justice Secretary Raul Gonzalez bilang Chief Presidential Legal Counsel. Ipinalit kay Gonzalez bilang bagong kalihim ng DOJ si Solicitor General Agnes Devanadera.
Lalong nagduda ang ilang tagamasid nang ihayag kamakailan ni Lacson na hindi na siya kakandidatong presidente sa halalan sa 2010.
Ikinakatwiran ni Lacson sa pag-urong niya sa kanyang kandidatura ang kakapusan sa pera pero tinaasan lang ito ng kilay ng maraming pulitiko at political analysts.
Isang impormante ang nagsabi sa manunulat na ito na isang tao na malapit sa maybahay ng isang mataas na miyembro ng Gabinete ang nag-ayos ng isang pulong ng naturang opisyal at ni Lacson.
Meron umanong nabuong kasunduan at ito ang hi nihinalang dahilan kaya umatras si Lacson sa eleksyon.
Naunang sinasabi ni Gonzalez na umaasa siyang papayagan siya na ipursige ang Dacer-Corbito case. “Mapapahiya ako at masisira ang kredibilidad ko sa dalawang testigo matapos kong tiyakin sa kanila na tutulungan ko silang magsalita sa nalalaman nila sa pamamaslang at titiyakin ko na mananaig ang katarungan,” sabi niya sa isang panayam.
Kung hindi anya siya papayagan, aalis na lang siya at aasikasuhin ang kanyang may sakit na anak at ang mga kababayan niya sa Iloilo.
Kasunod nito, nang dumating si Mancao, idineretso agad siya sa tanggapan ng National Bureau of Investigation at hindi pinaharap sa media sa kadahilanang ikinakuwarantina ang dating pulis. Ayaw ipaliwanag ni Gonzalez kung bakit hindi nasunod ang kasunduan nila ni Mancao na magdaraos ng pulong-balitaan pagdating nito sa Maynila.
Pero, ayon sa impormante, talagang layunin dito na palamigin ang usapin sa Dacer case sa pamamagitan ng paglayo kay Mancao sa media.
Bukod dito, napaulat na atubili si Devanadera na tanggapin ang puwesto bilang kalihim ng DOJ dahil mas gusto niyang maging mahistrado ng Korte Suprema.
Mukha ring minadali ang pagtatalaga kay Gonzalez bilang chief presidential legal counsel dahil wala pa siyang opisina sa Malacañang nang naghahanda na siyang lumipat dito.
- Latest
- Trending