Klase sa UST, FEU ipinagpaliban
MANILA, Philippines - Titiyakin muna ng pa munuan ng University of Sto. Tomas (UST) at ng Far Eastern University (FEU) na ligtas ang kanilang mga estudyante at faculty members laban sa AH1N1 kung kaya’t ipinagpaliban ang pagbubukas ng klase.
Ayon kay Fr. Isidro Abano, secretary general ng UST, layon ng nasabing suspensyon na mabigyang pagkakataon ang mga estudyante, staff, faculty members at administrators na obserbahan muna ang kanilang mga kondisyong pang-kalusugan partikular na ang mga nagbiyahe sa ibang bansa.
Nabatid na sa halip na sa Hunyo 8 ang opening ng classes sa UST ay itinakda sa Hunyo 15 habang sa Hunyo 17 naman magbabalik-eskwela ang mga estudyante ng FEU.
Pinayuhan din ng pamunuan ng UST ang mga estudyante at staffs nilang nagbiyahe sa abroad, na samantalahin ang suspensyon para magkapag-self quarantine.
Sinuspinde rin pansamantala ang mga klase sa elementary at high school departments ng UST, na magbabalik-eskwela sa Hunyo 15.
Ang lahat naman ng estudyante, support staff, faculty members at administrators ng UST na bumiyahe sa ibang ibayong dagat at kababalik lamang sa Pilipinas simula noong Lunes (Hunyo 1) ay pinagsusumite ng kanilang mga pangalan kasama na ang University ID numbers sa UST Health Service.
Sa panig naman ng FEU, tiniyak ni Archbishop Miguel Carpio, vice-president for academic affairs ng unibersidad, na nananatiling A H1N1 free pa rin ang FEU.
Ipinaliwanag din nito na ang desisyon ng pamunuan ng FEU na ipagpaliban ang pagbubukas ng klase ay bahagi lamang nang ipina tutupad nilang “preventive measures” laban sa sakit. (Doris Franche)
- Latest
- Trending



















