Marcoleta, Estrada hindi pwedeng bumoto - Tulfo
Pero maaaring maging miyembro ng komite
MANILA, Philippines — Naniniwala si Senador Erwin Tulfo na maaari pa rin maging miyembro ng mga komite sa Senado sina Senators Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta kahit na nakakulong sila.
Subalit hindi naman aniya sila maaaring lumahok sa mga botohan.
Inihalimbawa ni Tulfo ang naging kaso ni dating senator at ML partylist Rep. Leila de Lima na nakulong at kinalaunan ay napawalang sala sa mga kaso.
Paliwanag ng Senador, si dating senador De Lima noong nakakulong ay nagpa-file ng mga bills at miyembro pa rin siya ng komite subalit hindi nakakaboto dahil absent siya dahil nasa kulungan. Kaya dapat ganun din aniya ang pagtrato kina Marcoleta at Estrada.
Si Marcoleta ay nakapiit dahil sa P75 milyon plunder case habang si Estrada ay dahil sa P573 milyon plunder charge at kasong graft.
Kasabay nito, sinabi pa ni Tulfo, na chairman ng Senate committee on energy, na tatanungin niya si National Electrification Administration administrator Antonio Almeda kaugnay sa posibleng pananagutan ng mga politiko na hindi nagbabayad ng kanilang mga kuryente.
Nauna na rin pinuna ng senador ang ilang ginagawa ng mga politiko na may-ari ng electric cooperatives na hindi nagbabayad ng kanilang konsumo sa kuryente kaya ang mga consumers ang pumapasan nito.
- Latest
























