SC binasura petisyon vs pagluklok kay Win bilang SP

MANILA, Philippines — Ibinasura ng Korte Suprema (SC) ang petition for certiorari na kumukuwestiyon sa sesyon ng Senado noong Hunyo 3, 2026 kung saan 12 senador ang dumalo, idineklara ang mga posisyon bilang bakante, at inihalal si Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore.
Sa naturang sesyon, nagsilbing acting Senate President si Gatchalian. Hindi siya agad naihalal bilang Senate President dahil kinakailangan ang 13 boto para sa nasabing posisyon.
Sa resolusyong may petsang Agosto 26, 2026 na isinapubliko noong Oktubre 1, sinabi ng SC:
“The Court resolved to dismiss the petition for certiorari for failure to show sufficiently that the respondents committed grave abuse of discretion in holding a session on June 3, 2026, which, on the contrary, appears to be in accord with the facts and applicable law and jurisprudence.”
Ayon sa Korte Suprema, walang sapat na batayan upang kuwestiyunin ang nasabing sesyon dahil ito ay naaayon sa mga umiiral na batas, jurisprudence at mga pangyayari.
Ginamit ng bagong mayorya bilang batayan ang kasong Avelino vs. Cuenco upang igiit na may quorum kahit 12 senador lamang ang naroon.
Naganap ang sesyon matapos i-boycott ito ng kampo ng dating mayorya na pinamumunuan ni noo’y Senate President Alan Peter Cayetano. Hindi dumalo ang kanilang grupo sa loob ng dalawang araw matapos maaresto si Sen. Jinggoy Estrada noong Hunyo 1, dahilan upang mawalan ng quorum ang 24-miyembrong Senado na nangangailangan ng 13 senador upang makapagdaos ng sesyon.
Noong Hunyo 3, umabot sa 12 ang dumalong senador matapos ang hindi inaasahang pagdalo ni Sen. Francis Escudero mula sa kampo ng dating mayorya.
Samantala, si Cayetano, na hindi humarap sa plenaryo, ay naglabas ng memorandum na nagdedeklara ng sine die adjournment at nagbabala ng posibleng constitutional crisis.
Nang magpatawag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng special session noong Hunyo 17, tuluyan nang nahalal si Gatchalian bilang Senate President sa tulong ng boto ni Sen. Joel Villanueva bilang ika-13 boto.
- Latest


















