Afuang pinalaya
MANILA, Philippines - Pinalaya na kahapon ng pulisya si dating Pagsanjan, Laguna Mayor Abner Afuang na kinasuhan at ipinakulong ng Senado dahil sa pagbuhos niya ng tubig sa cosmetic surgeon na si Dr. Hayden Kho habang isinasagawa ang pagdinig sa sex video nito na kasama si Katrina Halili kamakalawa.
Sinabi ni Pasay City Police-Criminal Investigation Division Chief Insp. Reynaldo Paculan na pinalabas na nila si Afuang makaraang pagtibayin ng Pasay City Regional Trial Court ang rekomendasyon ng prosecution na palayain ang dating alkalde dahil walang basihan para ikulong ito.
Habang nakakulong mula kamakalawa hanggang mapalaya, dinagsa si Afuang sa himpilan ng Pasay City Police ng mga taong nakikisimpatya sa kanya at kabilang dito si Manila Mayor Alfredo Lim.
Sinabi ni Lim na kaya nagawa ni Afuang ang pagbuhos ng tubig sa ulo ni Kho ay dala na rin umano ng bugso ng damdamin nito dahil isa din itong ama at may anak na babae.
“Para sa akin tama yun ginawa ni Afuang dahil hindi makatao si Kho at binababoy niya ang mga kababaihan,” dagdag pa ni Lim na isa ring dating opisyal ng pulisya na tulad ni Afuang.
Sinabi ni Afuang na una niyang binalak na paluin ng silya sa mukha si Kho pero wala siyang nadampot kaya ibinuhos na lang niya sa ulo ng huli ang laman ng bote ng mineral water na dala niya nang mga oras na iyon.
“Sa ginawa ni Kho, dahil sa sobrang galit ko sa mga lalaking katulad niya na walang respeto sa mga babae, sa ginawa niya kay Katrina, naisip ko ang anak kong dalaga na nag-aaral ngayon ng nursing sa abroad,” pahayag pa ni Afuang. (Rose Tesoro)
- Latest
- Trending