Lakas-Kampi pormal nang nagsanib
MANILA, Philippines – Tuluyan nang nagsanib kahapon ang partidong Lakas at Kampi na nagbigay daan sa bagong political party na Lakas-Kampi CMD kung saan indikasyon ito na kontrolado na nila ang mayorya sa mga incumbert local officials na gagamitin bilang makinarya sa 2010 elections.
Ayon kay Political Adviser Gabriel Claudio na siya ring chairman ng binuong National Unification and Consolidation Committee, nilagdaan na unanimously ang bagong constitution and by-laws ng partido.
Dahil dito, awtomatikong si Pangulong Arroyo ang uupong chairman ng merger dahil sa pagiging senior official ng pinagsanib na Lakas at Kampi.
Kaugnay nito, iniharap ni Cebu Cong. Pablo Garcia ang joint resolution number 01 para sa merger na pirmado ng mga kinatawan ng magkabilang partido.
Naging emosyonal naman si House Speaker Prospero Nograles sa kanyang pagpapaalam sa partido Lakas na 17 taon nitong kinaaniban. Ani Nograles, magiging bahagi na lamang ng kasaysayan ang Lakas pero tinatanggap naman nila ang pagkapanganak ng isang aniya’y mas malakas na partido.
Sa panig naman ni Kampi national chairman Ronaldo Puno, binigyang-diin nitong ang merger ay pagsasakripisyo ng sariling interes para maisulong ang mas malawak na kapakanan ng bansa.
Binalewala naman ng ilang kaalyado ng administrasyon ang pagtiwalag ni dating Kampi President at Camarines Sur Cong. Luis Villafuerte.
Ayon sa mambabatas, nakakapanghinayang ang pagkalas ng dating Kampi President, ngunit maaaring hindi lamang gusto ni Villafuerte na maging opisyal ng bagong partido o maaring hindi nito nagustuhan ang pagsasanib ng dalawang partido.
Dahil sa merger, umaabot na sa 150 na mga miyembro ng Kamara ang kaalyado ni Pangulong Arroyo. (Butch Quejada/Doris Franche/Rudy Andal)
- Latest
- Trending