AH1N1 kalat na sa 39 bansa
MANILA, Philippines - Umabot na sa 39 bansa ang kumpirmadong napasok na ng AH1N1 virus matapos makapagtala ang mga bansang Turkey at India ng kauna-unahang mga kaso ng nakamamatay na sakit sa kanilang lugar.
Kasunod ito ng pagkumpirma naman ng pamahalaan ng Malaysia na mayroon na rin silang dalawang AH1N1 case sa kanilang bansa.
Pawang mga pasahero na nagmula sa Estados Unidos ang pinakabagong kaso ng A/H1N1 sa Turkey at India.
Naitala naman sa China ang ikatlo nitong kaso ng A/H1N1, isang 18-anyos na Chinese Student mula sa isang university sa New York State sa US.
Sa Japan, mayroong 16 pang bagong kaso ng flu ang nakumpirma, kung saan umabot na sa 21 ang kabuuang bilang ng mga pasyente doon.
Sa Mexico, nasa 68 na ang mga nasawi pero sa kabila nito, bumababa umano ang mga naiuulat na infections at hospitalization.
Samantala, nananatili pa ring ligtas ang Pilipinas sa AH1N1 virus, gayundin ang nasa 8 milyong Pinoy na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa. (Doris Franche)
- Latest
- Trending