Pagpapalaya kay Smith idinepensa ng Court of Appeals
MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ng mga babaeng mahistrado ng Court of Appeals ang kani lang desisyon na nagdismis sa kasong panggagahasa laban sa sundalong Amerkanong si Lance Corporal Daniel Smith.
Ayon kay CA Associate Justice Monina Arevalo-Zenarosa, ipinagmamalaki niya ang naging desisyon nila dahil pinagbasehan nila ang nakasaad sa batas, ang mga detalye ng kaso at kanilang konsiyensa at wala na silang maaring idagdag pa dito.
Idinagdag pa ni Justice Zenarosa na madali naman unawain kung bakit nila pinawalang sala si Smith dahil nakapaloob naman ang detalye nito sa kanilang desisyon.
Si Zenarosa ang sumulat sa desisyon kasama din si Associate Justice Myrna Dimaranan-Vidal na miyembro ng Special Eleventh Division at Associate Justice Remedios Salazar na chariman ng divison.
Ayon sa desisyon ng CA, walang naganap na pamumuwersa o pananakot na naganap sa umano’y panggagahasa ni Smith sa Pilipinang si Suzette Nicolas sa Subic noong 2005. Bago lumabas ang desisyon, binawi ni Nicolas ang kanyang reklamo sa pagsasabing hindi siya siguradong ginahasa siya ni Smith dahil lasing siya nang mga oras na iyon.
Ginawa ng mga mahistrado ang pahayag dahil sa mga pagbatikos sa kanila ng mga militanteng grupo at ibang sektor dahil sa pagpapalaya nila kay Smith. (Gemma Garcia)
- Latest
- Trending