Karneng baka ng Taiwan, Lebanon bawal sa Pinas
MANILA, Philippines - Pansamantalang inihinto ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon ng karne ng baka at iba pang katulad na hayop na pinaniniwalaang may foot-and-mouth disease (FMD) mula Taiwan at Lebanon.
Ang import ban ay ipinalabas ni DA Secretary Arthur Yap makaraang makumpirma ng World Animal Health Organization na may outbreak ng FMD sa naturang hayop sa nabanggit na lugar.
Sa Lebanon, nakumpirma ang FMD sa isang dairy cattle farm sa lalawigan ng Kamed el Iouz habang sa Taiwan ay nakita sa mga swine farms sa lalawigan ng Mao liao Township, Yun-Lin at Beidou Town sa Chang-hua.
Nilinaw ni Yap na layunin ng kanyang hakbang na mapangalagaan ang kalusugan ng mamamayang Pinoy mula sa FMD.
Hindi anya maaaring maipasok sa Pilipinas ang mga baka mula sa Taiwan at Lebanon hanggat walang kautusan ng DA at kontaminado pa ng FMD ang mga bakahan doon.
Inatasan din ni Yap ang mga tauhan na higpitan at bantayan ang lahat ng entry points sa bansa upang maiwasang may makapuslit na mga produktong baka mula sa naturang mga bansa. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending