Atras o pugot?
MANILA, Philippines - Hindi umano kuntento ang mga bandidong Abu Sayyaf sa limitadong pullout ng Philippine Marines sa Sulu at iginiit na ang nais nila ay “total pullout” ng lahat ng puwersa ng pamahalaan sa lalawigan.
Sinabi ni Sulu Gov. Abdusakur Tan, ang nangunguna sa mga negosyador ng pamahalaan, walang pakakawalang bihag ang bandido dahil hindi umano katanggap-tanggap na 1,000 puwersa lamang ng Marines, pulis at armadong mga volunteers ang inalis sa lugar.
Sa ultimatum ng Abu Sayyaf, binigyan nito ang pamahalaan na alisin ang puwersa sa kanilang kinaroroonan hanggang bukas (Martes).
Dahil dito, hindi pa rin malinaw ang kapalaran nina ICRC workers Andreas Notter, Eugenio Vagni at Mary Jean Lacaba matapos ang banta ng Abu Sayyaf na pupugutan ang isa sa mga ito kung hindi tutugon ang pamahalaan sa kanilang demand.
Aminado naman si Tan na imposibleng pagbigyan ang hiling ng Abu Sayyaf na limitahan lamang sa dalawang barangay sa bayan ng Jolo ang pwersa ng militar at pulisya.
Idinepensa naman ni Department of the Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno ang pag-uutos niya na iatras ang lahat ng puwersa ng pamahalaan sa lalawigan ng Sulu kasabay ng mga batikos na sunud-sunuran ang pamahalaan sa ban didong Abu Sayyaf Group.
Sinabi ni Puno na bagaman pinagbigyan ang mga kidnaper, hindi ito nangangahulugan na hawak na ang pamahalaan sa leeg ng mga bandido. Nais lamang umano nila ipakita ang sinseridad ng pamahalaan sa kasunduang palalayain ang isang bihag sa oras na mag-pull out ang pamahalaan.
Naging mahaba umano ang diskusyon kasama ang iba pang opisyales ng pamahalaan at ang pull-out ng tropa ng pamahalaan ay kanilang napagkasunduan dahil sa pangunahing konsiderasyon pa rin nila ang kaligtasan ng tatlong biktima.
Samantala, nakatakdang tumulak ngayon patungo sa lalawigan ng Sulu ang kontrobersyal na si Major Ferdinand Marcelino makaraang bigyan ng “go-signal” ni Philippine Drug Enforcement Agency Director General Dionisio Santiago Jr. na tulungan ang kanyang mga kasamahan sa Marines.
Inihayag ni Marcelino ang interes nito na mag-leave nitong Marso 24 upang hindi umano madungisan ang isinasagawang imbestigasyon laban sa kanya. Kasabay nito, inihayag nito ang interes na magtungo sa Sulu upang tumulong sa kanyang mga kapatid sa Philippine Marines na labis na umano niyang kinasasabikan.
- Latest
- Trending