Utos ni Ping - Mancao
MANILA, Philippines - Si Senador Panfilo Lacson na noo’y hepe ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force ang nag-utos umano para iligpit ang kilalang PR man na si Salvador “Bubby” Dacer na ikinamatay din ng driver nitong si Manuel Corbito.
Ito ang laman ng kontrobersyal na affidavit na nasa pag-iingat ng Department of Justice at nilagdaan ni dating Police Sr. Supt. Cesar Mancao na personal na natunghayan ng manunulat na ito.
Ayon kay Mancao, naroroon siya nang ibigay ni Lacson ang kautusan kay Michael Ray Aquino na noo’y pinuno ng operasyon ng PAOCTF.
Si Mancao noon ang hepe ng Task Force Luzon ng PAOCTF.
Sinabi ni Mancao sa kanyang affidavit na, noong Oktubre 2000, lulan sila ng isang kotse nang marinig niyang itinanong ni Lacson kay Aquino, “’Noy kelan ba titirahin si Delta (Dacer)?
Ang sagot ni Aquino, “Uunahin na muna namin si Bero (dating General Reynaldo Berroya) malapit na kami sa kanya.”
“Pagsabayin na ninyo sila….,” tugon naman ni Lacson.
Ayon kay Mancao, nang mahalal na senador si Lacson noong 2001, sinabihan sila nito na magtungo at manirahan sila sa Amerika dahil ididiin sila ng bagong administrasyon sa Dacer-Corbito case.
Sumunod sina Mancao at Aquino. Sa Florida tumuloy ang una samantalang sa New Jersey ang huli.
Gayunman, habang nasa Amerika sila, nakipagkita sa kanila si Lacson sa iba’t ibang petsa sa sumunod na dalawang taon.
Noong Setyembre 3 sa pulong nila sa Miami, inatasan ng senador si Aquino na hanapin ang mga ari-arian sa U.S. na nakapangalan kay First Gentleman Mike Arroyo na asawa ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. May nakuha si Aquino kinalaunan na mga kaukulang dokumento pero hindi pa nasiyahan si Lacson kaya nagpahanap pa ito ng iba.
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Mancao na lulan sila ng isang kotse patungo sa Greenhills, San Juan nang marinig niya ang utos ni Lacson na iligpit sina Dacer at Berroya. Nakaupo siya sa harapan ng kotseng minamaneho ng isang Reynaldo Lopez Oximoso Sr.. Magkatabi sa likod sina Lacson at Aquino.
Isa pang kasamahan ni Mancao sa PAOCTF na si Chief Inspector Glenn Dumlao ang gumawa rin ng isang hiwalay na affidavit na nagsasaad na pinatrabaho kay Chief Inspector Vicente Arnado ang pagdukot kay Dacer.
- Latest
- Trending