P11.3-bilyon supplemental budget lusot na
MANILA, Philippines - Pumasa na kahapon ng madaling-araw sa Senado ang P11.3-bilyon supplemental budget na gagamitin ng Comelec sa automation ng eleksiyon sa 2010 local at national elections.
Siyam na senador ang bumoto pabor sa pagpasa ng supplemental budget at apat ang tumutol.
Katulad nang naunang ipinangako, ang bersyon ng House of Representatives ang ini-adopt ng Senado pero nagdadagdag lamang ng probisyon ang mga senador para sa kasiguraduhan na magiging transparent at accurate sa pagpili ng teknolohiyang gagamitin para sa mga voting machines.
Siniguro naman ng Malacañang na lalagdaan ni Pangulong Arroyo ang P11.3 bilyong supplemental budget para sa poll automation ng 2010 elections pero uunahin ang P1.415 trilyong national budget.
Samantala, sinuportahan kahapon ni House Speaker Prospero Nograles ang pagsusulong ng automated election para sa taong 2010 dahil ito ang pinakamabisang gamot para labanan ang dayaan at para maibangon ang Integridad ng election sa bansa.
Anya kung mapapabilis ang pagsasabatas ng House Bill 5715 na mag-aapruba sa P11.3B supplemental budget ng Commission on election ay tiyak na mabubura na sa isipan ng publiko na magsusulong ang Kongreso ng charter change upang mapahaba ang termino ng mga kasalukuyang opisyal. (Butch Quejada/Malou Escudero/Rudy Andal)
- Latest
- Trending