150 private elementarya at high school magtataas ng tuition
Aabot sa 150 mga pribadong elementarya at high school sa buong bansa ang nagpahayag ng interes ng pagtaas sa singil ng kanilang tuition fee para sa 2009-2010 sa kabila ng panawagan ni Department of Education Secretary Jesli Lapus na suspendihin muna ito dahil sa matinding krisis.
Sinabi ni Federation of Private Schools and Administrators (FPSA) president Ely Kasilag na aabot sa 15% ang inaasahang tuition fee increase para sa pagpapataas sa sahod ng mga guro at pag-aayos sa kanilang mga pasilidad.
Nagbabala naman si Lapus sa mga administrasyon ng mga pribadong paaralan na maaaring lumiit ang bilang ng kanilang mga estudyante na posibleng lumipat na lamang sa mga pampublikong paaralan dahil sa hindi makayanang taas ng tuition.
Isasailalim naman ng DepEd sa masusing pag-aaral ang mga dokumento na isusumite ng mga paaralang magtataas ng tuition upang matiyak kung nagsagawa ng konsultasyon ang mga ito sa mga magulang ng mga estudyante at kung napapayag ang mga ito. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending