Hearing ng independent panel sa Alabang boys tinapos na
MANILA, Philippines - Tinapos na kahapon ng Independent Panel ang 10-araw na pagdinig sa imbestigasyon sa umano’y suhulan sa Department of Justice (DOJ) sa kasong illegal na droga ng Alabang Boys.
Sa pagpapatuloy ng hearing, ibinunyag ni Derrick Carreon, Chief ng Public Information Office (PIO) ng PDEA, na mismong sa pamilya ng isa sa Alabang boys nagmula ang umano’y isyu ng mga panunuhol sa mga opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at sa mga piskal ng DOJ upang mabasura ang kaso laban sa mga ito.
Ayon kay Carreon na ilang linggo matapos ang kanilang buy bust operation ay nagsimula na ang pagtawag-tawag sa kanya ng tiyahin umano ni Richard Brodett na si Marissa na noon ay nagpakilala sa kanya sa codename na Starski.
Si Marissa umano ang nagsabi kay Carreon na may impormasyon itong nakuha na may mga pinakikilos ang pamilya Brodett sa DOJ upang maibasura ang kaso laban sa Alabang boys.
Nang tanungin naman ng panel si Carreon kung ano ang tingin nito sa mga kilos ni Marissa ay sinabi nito na posibleng nais umano ni Marissa na makulong ang tatlong suspek dahil sa sinisisi nito ang pamilya ni Richard kung kayat natuto itong gumamit ng illegal na droga ang kanyang dalawang anak.
Sinabi naman ng chairman ng panel na si retired SC Justice Carolina Grino-Aquino na pag-aaralan muna nila ang magiging desisyon ng nasabing imbestigasyon sa loob ng 10-araw bago nila isumite ang resulta nito sa Malacañang. (Gemma Garcia)
- Latest
- Trending