Gen. Garcia 2-taon kulong sa perjury
MANILA, Philippines - Dalawang taong pagkakakulong ang inihatol ng Sandiganbayan laban kay dating Armed Forces of the Philippines (AFP) comptroller Major General Carlos Garcia matapos mapatunayang nagkasala ng walang pag-aalinlangan sa kasong perjury.
Ang kaso ay may kaugnayan sa pagsisinungaling nito sa kanyang idineklarang statements of assets and liabilities noong taong 2000.
Si Garcia ay kasalukuyan nakadetine sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame
Sa panig ng kampo ni Garcia, sinabi ng mga itong iaapela nila ang hatol na guilty ng Sandiganbayan fourth division laban sa dating heneral para baliktarin nito ang desisyon.
Sa loob umano ng 15 araw ay maghahain umano sila ng motion for reconsideration.
Noong December 2005 si Garcia ay na-convict na ng general court martial dahil sa di maipaliwanag na yaman at nadismis sa serbisyo bukod sa hatol na 2 taong pagkabilanggo.
Napawalang bisa naman ng Sandiganbayan Third at Second Division ang isa pang perjury charges nito noong May 2006 at April 2008 matapos sabihing hindi naman mandatory sa isang opisyal ng gobyerno na isapubliko ang yaman ng asawa at mga anak.
- Latest
- Trending