Arestuhin!
MANILA, Philippines - Inutos ni Senate President Juan Ponce Enrile na arestuhin ang country manager ng World Bank sa Pilipinas kung hindi ito sisipot sa susunod na pagdinig ng Senate committee on economic kaugnay sa sinasabing sabwatan sa bidding kung saan nakakaladkad ang pangalan ni First Gentleman Mike Arroyo.
Sinabi ni Enrile na maaaring gamitin ng Senado ang ‘coercive power’ nito laban kay WB manager Bert Hoffman kung hindi sila bibigyan ng kopya ng kontrobersiyal na report.
Lumabas sa pagdinig na bagaman at binigyan ng kopya ng WB ang Department of Finance at Department of Justice, mayroon naman itong cover letter na nagsasabing confidential ang nasabing report at hindi maaaring gamiting ebidensiya sa korte o sa paghahabla ng kaso laban sa mga personalidad na nabanggit sa report.
“We are not bound by what the World Bank says,” sabi naman ni Senator Miriam Defensor-Santiago, chairman ng komite.
Ayon kay Santiago, walang karapatan ang World Bank na sabihin kung ano ang puwede at hindi puwedeng ipakita sa publiko.
Naniniwala rin si Santiago na hindi maaring tumayo bilang matibay na ebidensiya ang nasabing report laban sa mga binabanggit na personalidad.
FG excuse sa hearing
Gaya ng inasahan, hindi dumalo si Ginoong Arroyo sa nasabing hearing dahil sa kalusugan nito.
Ipinadala lamang ng kampo ni Arroyo si Dr. Antonio Sibulo, at abogado nitong si Atty. Ruy Rundain upang ipaliwanag ang hindi pagsipot ng Unang Ginoo.
Ayon kay Sibulo, hindi dapat malagay sa “mentally stressful” situation ang Unang Ginoo dahil delikado ito sa sakit niya sa puso.
Ipinaliwanag pa ni Sibulo na bagaman at pinapayagang mag-exercise ang Unang Ginoo katulad nang paglalaro ng golf at paggamit ng thread mill, iba naman ang stress na idudulot kung dadalo ito sa imbestigasyon.
Tuwing Sabado umano ay naglalaro ng golf ang Unang Ginoo at umaabot din sa 3.5 km per hour ang itinatagal nito sa thread mill.
Pabor si Sibulo na kunan ng ‘written deposition’ si Arroyo upang masagot ang mga isyung ibinabato sa kanya tungkol sa WB road scam.
- Latest
- Trending