Bitay hatol sa 2 promotor ng gatas na may melamine
SHIJIAZHUANG, China - Hinatulang mabitay ang dalawa katao na kabilang sa mga promotor sa pagkalat ng gatas na may melamine.
Sinentensyahan ng kamatayan si Zhang Yujun, 40, dahil sa pagdaraos niya ng workshop na nagpasimula ng pagsangkap ng melamine sa gatas.
Hinatulan ding mabitay si Geng Jinping dahil sa paggawa rin niya at pagbebenta ng kontaminadong gatas.
Samantala, habambuhay naman ang hatol ng Intermediate People’s Court ng Shijiashuang kay Tian Wenhua, 66 anyos, dating general manager at chairwoman ng Sanlu Group Co..
Ang Sanlu ang pangunahing kumpanya na napag-initan dahil dito nagsimula ang kumalat na mga gatas para sa sanggol na kontaminado ng nakakalasong kemikal na melamine.
Anim na sanggol ang namatay at 300,000 bata pa sa China ang nalason sa naturang gatas. May mga nalason ding bata sa Ilang bansa makaraang makainom ng gatas na galing China at kontaminado ng melamine.
Umabot sa 21 katao na sangkot sa pagkalat ng kontaminadong gatas ang hinatulan ng korte. Kabilang dito ang mga executive ng Sanlu.
Ang melamine ay isang sangkap na ginagamit sa paggawa ng plastics at fertilizers kung saan magiging sanhi ito ng sakit sa bato kung makakain ng tao. (Ulat ng Associated Press)
- Latest
- Trending