DOJ fiscals inabsuwelto ng NBI sa Alabang Boys
Inabsuwelto ng National Bureau of Investigation ang isang under secretary at mga prosecutor ng Department of Justice sa isyu ng P50-milyong suhulan kaugnay sa kaso ng “Alabang Boys” at lumalabas na ‘hearsay’ lamang ang akusasyon.
Kabilang sa nasangkot sina Undersecretary Ricardo Blancaflor, Chief State Prosecutor Jovencito Zuño, Senior State Prosecutor Philip Kimpo, State Prosecutor Misael Ladaga at State Prosecutor John Resado.
Batay sa 33-pahinang rekomendasyon na isinumite ni NBI Special Task Force Head Agent Atty Arnel Dalumpines kay NBI Director Nestor Mantaring, bukod sa walang sapat na ebidensiya, walang testigo silang hawak hinggil sa sinasabing panunuhol ng kampo ng Alabang Boys upang ibasura ang kaso ng iligal na droga na isinampa ng Philippine Drugs Enforcement Agency. Hindi rin umano nakipagtulungan ang whistle blower na si Major Ferdinand Marcelino.
Pero hindi rin naging ganap na kasiya-siya kina Zuño ang desisyon ng NBI dahil nagawa na ang paninira sa kanila.
Inamin naman ni Zuño na nakahinga sila ng maluwag sa lumabas na imbestigasyon ng NBI dahil ang naging basehan ng mga ito ay ang merito ng kaso.
Nilinaw pa nito na ang grupo ng NBI na nag-imbestiga sa nasabing usapin ay siya ring grupo na sumabat sa mga corrupt na prosecutor kaya malaki ang tiwala nila sa mga ito. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending