'Impeach Puno' binira ng media
Kinondena kahapon ng National Press Club of the Philippines ang planong pagpapatalsik kay Supreme Court Chief Justice Reynato Puno.
Ginawa ng NPC ang pahayag matapos kumpirmahin ni SC Spokesperson Midas Marquez na mayroong natatanggap na report ang korte kaugnay sa planong pagsasampa ng impeachment complaint laban sa punong mahistrado.
Ayon kay NPC President Benny Antiporda, nakaka alarma umano ang nasabing report dahil tiyak na malaki ang magiging epekto nito sa larangan ng pamamahayag.
Gayunman, nagpahayag ng suporta ang NPC kay Puno dahil na rin sa integridad, propesyonalismo at dedikasyon nito sa tungkulin.
Sinasabing may mga nagbabalak na maghain ng impeachment complaint dahil tinutulugan umano ni Puno ang kasong diskuwalipikasyon laban kay Negros Oriental Rep. Jocelyn Limkaichong.
Ayon naman sa tagapagsalita ng Mataas na Hukuman na si Atty. Midas Marquez, lahat ng desisyon ng Korte Suprema ay nakasaad at nakabase lahat sa batas kaya walang basehan na sabihing tinutulugan ni Puno ang kaso ni Limkaichong dahil unanimous decision umano ang pagpapaliban ng promulgation ng nasabing kaso.
Sinabi naman ni House Speaker Prospero Nograles sa hiwalay na pahayag na intriga lang at kathang-isip ang napapaulat na pagpapatalsik kay Puno.
Idiniin ni Nograles na walang basehan para tanggalin sa puwesto ang punong mahistrado ng Korte Suprema. (Grace dela Cruz, Gemma Garcia at Butch Quejada)
- Latest
- Trending