Ban sa direct hiring ng Pinay sa Hong Kong binira
Tinutulan ng grupong Migrante International ang pinakabagong kautusan ng Department of Labor and Employment na nagbabawal sa direct-hiring ng mga Filipino household service workers sa Hong Kong.
Ayon kay Garry Martinez, chairperson ng Migrante International, ang naturang kautusan ay panibagong panggigipit na naman ng administrasyong Arroyo sa mga OFWs.
Nabatid na base sa kautusan ni Labor Secretary Marianito Roque, na inanunsyo ng Philippine Overseas Labor Office sa Hong Kong, simula noong Enero 1, 2009, hindi na sila magpoproseso ng dokumento ng mga directly- hired OFWs sa Hong Kong.
Ayon sa Migrante International, ang nasabing hakbang ay taliwas sa inilabas na desisyon noong Pebrero 2008 ng Philippine Overseas Employment Administration na nag-e-exempt sa Hong Kong, Italy at Canada mula sa Philippine direct hiring ban. Ang naturang polisiya aniya ay nakasaad sa POEA Memorandum Circular No. 04.
Lalo lamang aniyang mahihirapan ang mga OFWs dahil sa nasabing direktiba ng DOLE ngayong nararanasan na ang matinding epekto ng financial crisis. (Doris Franche)
- Latest
- Trending
















