Tulfo, pinaiimbestigahan P240 border fee ng BI

MANILA, Philippines — Naghain si Sen. Raffy Tulfo ng resolusyon upang maimbestigahan ang panukala ng Bureau of Immigration (BI) na maningil ng P240 border fee sa lahat ng Pilipinong aalis ng bansa, kabilang ang mga OFW.
Ayon kay Tulfo, maaaring maging dagdag-pasanin ito sa halos dalawang milyong OFW rehires o Balik-Manggagawa. Sinabi naman ng BI na gagamitin ang pondo para sa modernisasyon ng sistema ng seguridad sa mga paliparan at iba pang border crossings.
Iginiit ni Tulfo na hindi dapat maapektuhan ang mga benepisyong tinatamasa ng mga OFW sa ilalim ng umiiral na mga batas.
Ayon sa BI, nasa negotiation stage pa lamang ang panukala at kukonsultahin muna ang Department of Migrant Workers bago ito ipatupad.
Sinabi rin ni DMW Secretary Hans Cacdac na dapat manatiling exempted ang mga OFW sa border fee, tulad ng kanilang exemption sa travel tax at terminal fee. Nakatakda ring makipagpulong si Tulfo sa Department of Justice para alamin kung maaaring gamitin ang pondo para sa modernisasyon sa halip na magpataw ng panibagong singilin sa mga biyahero.
- Latest



















