Mga abogadong nasa payroll ng drug lords ilalantad ng VACC
Ilalabas ng grupong Volunteer Against Crime and Corruption ang listahan ng mga abogado at law firm na nasa payroll ng mga drug lord.
Ito ang inihayag kaha pon ni VACC Chairman Dante Jimenez kaugnay ng tinatawag na Alabang Boys bribery scandal.
Sinabi ni Jimenez na nakahanda silang ibunyag sa publiko ang pangalan ng mga abogado at law firm na suki ng mga drug lord na nakakasuhan sa korte at naabsuwelto kapalit ng suhol.
Naunang ibinunyag ni Major Ferdinand Marcelino ng Philippine Drug Enforcement Agency na P50 milyon ang tinangkang isuhol para madaliin ang pagpapalaya sa mga drug suspek na sina Richard Brodett, Jorge Jordana Tecson at Joseph Tecson na tinaguriang Alabang Boys at naaresto noong Setyembre 2008.
Nabunyag ang minamadaling pagpapalaya sa tatlo at ang suhulan nang magpalabas ng maanomalyang resolusyon ang prosecution division ng Department of Justice noong Disyembre 2, 2008 na nagbabasura sa drug case ng mga suspek.
Sinabi pa ni Jimenez na karaniwang ang mga abogado at law firm na pinapasahuran ng mga drug lord ang siyang sumasalo sa raffle ng kaso ng mga ito.
Kasabay nito, nagsampa kahapon ng petisyon sa SC ang VACC na humihiling na tanggalan ng lisensya o i-disbar ang abogado ng Alabang Boys na si Atty. Felisberto Verano kasunod ng pag-amin nito na siya ang gumawa ng draft release order ng kanyang mga kliyente na tinangka pang palagdaan kay Justice Sec. Raul Gonzalez.
Sa reklamo ng VACC, labag sa code of conduct ng mga abogado ang ginawa ni Verano dahil mistulang pinaglaruan nito ang batas.
Ipinaliwanag pa ni Jimenez na isang pribadong indibidwal si Verano at hindi ito maaaring gumamit ng letterhead ng isang tanggapan ng gobyerno tulad ng DOJ.
Samantala, nilinaw kahapon ni Gonzalez na si Pangulong Arroyo lamang ang may kakaya hang magtanggal kay Justice Undersecretary Ricardo Blancaflor sa serbisyo.
Sinabi ng Kalihim na anu man ang maging resulta ng isinasagawa nilang imbestigasyon kaugnay sa naging papel ni Blancaflor sa kaso ng Alabang Boys ay rekomendasyon lamang ang maari nitong gawin at isumite kay Pangulong Arroyo.
Kasabay nito, itinalaga ng Court of Appeals ang mga mahistradong hahawak sa habeas corpus petition ng Alabang boys.
Napunta ang petisyon kay Associate Justice Monina Zeñarosa ng CA 13th division bilang ponente o magsusulat ng desisyon hinggil sa kaso.
Makakasama naman nito sa pagdedesisyon sina Associate Justices Amelita Tolentino at Ramon Garcia. (Rose Tesoro, Gemma Garcia, Joy Cantos at Butch Quejada)
- Latest
- Trending