People Power vs droga
Kasunod ng nakakaalarmang ulat na numero uno na ang Pilipinas sa may pinakamaraming drug user sa buong Asya, nanawagan kahapon ang Dangerous Drug Board (DDB) ng “people power” upang magkaisa ang lahat ng Pilipino sa pagsugpo sa salot na iligal na droga sa bansa.
Bunsod nito, isang 24-oras na ‘action center’ ang itinatag ng DDB upang isumbong ang mga sinasabing drug pusher saanmang sulok ng bansa.
Sa press conference, inihayag ni DDB chairman Vicente ‘Tito’ Sotto III ang 24-hour action center na tatanggap ng ulat at sumbong na may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot. Malaking bagay din ito aniya upang maasistihan at mabigyan ng impormasyon ang publiko patungkol sa masamang idinudulot ng illegal na droga sa bansa.
I-dial lamang ang numero 9296623 at madali nang matutugunan ng DDB ang bawat sumbong saka ipapaalam kaagad sa mga ‘concern law enforcement agencies’ ang naturang reklamo. Puwede ring magtext sa 0917NODRUGS para sa mga Globe subscribers o 0928NODRUGS para sa mga Smart subscribers
Hindi dapat mag-alala ang sinumang magsusumbong dahil mananatili itong lihim o confidential bilang seguridad na rin sa mga taong nagbibigay ng impormasyon.
“Well-meaning citizens can now actively participate in preventing the proliferation of illegal drugs by reporting pushers and users to the action center, either by personally dropping by or calling its 24-hour hotline,” ani Sotto.
Ang pagkakatatag sa hotline na ito ay kaalinsabay ng sumambulat na kontrobersiya hinggil sa umano’y suhulan para lamang mapalaya ang mga tinaguriang Alabang Boys na kinasasangkutan ng tatlong anak-mayamang kabataan.
Ani Sotto, para higit na mapalakas ang kam panya laban sa ipinagbabawal na gamot at maiwasan ang mga ganitong uri ng kontrobersiya, malaking bagay para sa pamahalaan ang masinsinang kooperasyon ng taumbayan. Isang kooperasyong may-iisang layunin-ang mailayo sa masasamang bisyo ang mga kabataan, upang magkaroon sila ng magandang kinabukasan at tuloy mabawasan kundi man masugpo ang kriminalidad sa bansa na kalimitang illegal na droga ang pinagmulan.
Napag-alaman na may 6.7 million drug users na ang naitala sa bansa, base na rin sa 2004 national household survey na isinagawa ng DDB.
Nakahanda ang Hotline para sa iba pang ‘counseling’ o payo patungkol na man sa problema ng mga magulang at komunidad para masugpo ang pagkalulong ng sinuman sa ipinagbabawal na gamot.
Ang kontrobersiyal na kaso ng mga Alabang Boys ay binubusisi na ngayon sa Kamara at inaasahang magigisa pa nang husto sa Senado, bukas araw ng Biyernes.
- Latest
- Trending