Ex-US airman na wanted sa oil pilferage sa Iraq ipapadeport ng BI
Ipapatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang dating American air force serviceman na pinaghahanap ng US federal authorities dahil sa pagnanakaw ng oil supplies sa loob ng military base sa Iraq.
Kinilala ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan, ang nasabing dayuhan na si Robert John Jeffrey, 55 anyos, na naaresto noong Nov. 19 ng mga tauhan ng BI law enforcement division sa loob ng isang bar sa Angeles City, Pampanga.
Nagpalabas si Libanan ng mission order para sa pag-aresto sa nasabing dayuhan base sa kahilingan ng US embassy.
Ayon kay Libanan, agad ipapatapon palabas ng bansa ang dayuhan sa san daling makapagpalabas ng summary deportation order ang Board of Commissioners ng ahensya.
Susunduin aniya ng grupo ng mga US marshals si Jeffrey sa Maynila para eskortan siya pabalik ng US, kung saan haharapin nito ang kaso sa district court sa Eastern Virginia.
Sinabi ni Libanan na kinansela na ng US state department ang pasaporte ni Jeffrey, kaya maituturing na siyang undocumented alien.
Ayon kay BI technical assistant for intelligence Victor Boco, nakipagsabwatan ang dayuhan sa iba pang mga suspek para pagnakawan ng milyong halaga ng petroleum at oil products ang US military base sa Iraq noong 2007.
Sinabi ni Boco, na umaabot sa US40 million dollars ang halaga ng nanakaw ng grupo ni Jeffrey.
Sa travel database ng BI, lumilitaw na dumating sa bansa si Jeffrey noong April 27, 2008 at pinayagan lamang na maging turista sa bansa sa loob ng 21 araw. Ilalagay na rin sa immigration blacklist ang dayuhan para hindi na mapayagan pang makapasok sa bansa. (Gemma Garcia)
- Latest
- Trending