Oposisyon may 7 kandidato sa pagka-presidente sa 2010
Pinabubuo na ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. ang oposisyon ng isang ‘formula’ kung paano ito hindi mahahati sa 2010 presidential elections dahil pito ang pumoporma na umanong tatakbong presidente ng bansa.
Ayon kay Pimentel, ang kabiguan ng minorya na magkaisa ang magiging daan upang manalo ang mga kandidato ng administrasyon dahil siguradong mahahati na naman ang boto lalo na sa pagka-presidente ng bansa.
Ayon kay Pimentel, kabilang sa mga maraming aspirante sa pagka-presidente sa hanay ng oposisyon ay sina Senators Manuel Villar, Loren Legarda, Mar Roxas, Panfilo Lacson at Francis Escudero at Makati City Mayor Jejomar Binay. Bukod pa umano rito si dating Pangulong Joseph Estrada na nagbanta nang tatakbo kung walang magiging common standard bearer ang kanilang grupo.
Sabi ni Pimentel, hindi makukuha ng oposisyon ang Malacanang kung magpapatuloy na watak-watak ang mga miyembro at lider nito na posibleng magkanya-kanya na lamang kung hindi magbibigayan sa halalan sa susunod na taon.
Dapat na anyang ikonsidera ng oposisyon ang pagpapatawag ng isang national convention upang mapagdesisyunan kung sino ang ilalagay sa presidential, vice presidential at senatorial slots.
Ayon naman sa ilang po litical observers, posibleng si Vice President Noli de Castro ang maging presidential candidate ng administrasyon. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending