Abu Sayyaf lumakas ang puwersa
Dahil sa kita sa kidnapping for ransom, tumaas ang bilang ng puwersa ng mga bandi dong Abu Sayyaf Group (ASG) sa rehiyon ng Mindanao.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Information Office Chief Lt. Col. Ernesto Torres Jr. sa kabila ng pagkakalansag sa kabuuang 62 miyembro ng mga bandido.
Ayon kay Torres, ang pagtaas ng bilang ng ektremistang grupo na sangkot sa serye ng kidnapping for ransom ay sanhi ng aktibong recruitment ng mga ito nitong nakalipas na taon.
“But you have to consider that it is also possible that they were able to recruit some members. We are still doing an assessment as to how many were recruited during the year,” ani Torres sa mediamen.
Sa ‘year end report’ ng AFP, mula sa kabuuang 300 fighters ng Abu Sayyaf Group ay na-neutralisa ang 62 sa mga ito.
Ang Abu Sayyaf ay sangkot sa serye ng kidnapping, pamumugot ng ulo sa mga sundalo, pambobomba at extortion sa Mindanao Region.
Base sa report ng AFP, inianunsyo ni Executive Secretary Eduardo Ermita na may 56 katao ang nakidnap sa kabuuang 26 insidente ng kidnapping sa Mindanao partikular na sa Sulu at Basilan nitong nakalipas na taon.
Sa nasabing bilang, 36 lamang sa biktima ang na-rescue ng tropa ng pamahalaan gayundin sa isinagawang negosasyon ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan habang ang iba pa ay nanatiling bihag.
Samantalang aabot naman sa P 45.92 M ransom o board and lodging fees na ibinayad ng pamilya ng mga biktima na kinabibilangan ng mga sundalo, manggagawa, humanitarian volunteers , estudyante at mga bata kapalit ng kalayaan ng mga ito sa mga kidnappers. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending