Economic crisis pinatututukan
Nanawagan kahapon si Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales sa mga opisyal ng pamahalaan na tugunan at tutukan ngayong pagpasok ng taon ang problemang hatid ng economic crisis na labis umanong makakaapekto sa mga mahihirap.
Ayon kay Rosales, mahirap umanong makamtan ang kapayapaan sa bansa hangga’t maraming nagugutom, walang trabaho at walang matirahan.
Aniya, ang kahirapan na nararanasan ng maraming pamilya ay isang banta sa world peace.
Bagama’t marami aniya ang nagsasabing sa ikalawang quarter pa ng taong 2009 mararamdaman ang epekto ng economic crisis sa bansa, sinabi ni Rosales na dapat agad itong tugunan ng Gobyerno.
Gayunman, naniniwala si Rosales na ang pagiging likas na maawain at mapagbigay ng mga Pinoy ay makatutulong para mas maging madali para sa kanila ang harapin ang krisis.
Maging ang pagiging matipid at simple ng mga Pinoy pagdating sa mga materyal na bagay at ang pagkakaroon ng bayanihan spirit ay malaking bagay upang di sila gaanong mahirapan.
Nanawagan din si Rosales sa mga Pinoy na maghigpit ng sinturon, at huwag nang gawing magarbo ang pagsasagawa ng mga selebrasyon. (Doris Franche)
- Latest
- Trending