Isa pang anomalya sa DA kakalkalin
Bukod sa P728M fertilizer fund scam na iniimbestigahan pa rin ng Blue Ribbon Committee ng Senado, isa na namang bagong anomalya ang iimbestigahan ng Mataas na Kapulungan kaugnay naman ang umano’y pagwaldas sa daan-daang milyong pisong budget ng National Agribusiness Corporation ng Department of Agriculture.
Sa Senate Resolution No. 824 na inihain ni Sen. Mar Roxas, nais nitong maimbestigahan ang anomalya sa transaksiyon ng NABCOR na kuwestiyonable ayon na rin sa Commission on Audit.
Ayon kay Roxas, hindi natapos ang anomalya sa DA kahit umalis na sa ahensiya si dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Joc-Joc” Bolante.
Hindi nagtapos ang pangungurakot noong umalis si Joc-Joc sa DA. Itinuloy ng administrasyon ni Pangulong Arroyo ang maling paggamit ng pera ng taumbayan at nakita ito sa imbesigasyon na umabot ang kalokohan sa NABCOR,” ani Roxas.
Sinabi pa ni Roxas na maging ang CoA ay hindi malaman kung nasaan ang P300 milyon na para umano sa post-harvest facilities. Napag-alaman pa na pati ang P95.167 milyon na post-harvest projects ng NABCOR ay hindi napakinabangan ng mga magsasaka dahil hindi na napapanahon ang mga ito. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending