LTO official pinasibak ng CSC sa pekeng civil service eligibility
Pinasibak ng Civil Service Commission (CSC) ang isang mataas na opisyal ng Land Transportation Office (LTO) matapos mapatunayang nagkasala sa kasong administratibo tulad ng falsification of official documents, serious dishonesty, grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Sa 16-pahinang desisyon ng CSC na nilagdaan ni CSC Region 4 director Lydia Castillo, napatunayan na ang akusadong si Ramon M. Mendeja, OIC ng registration division ng LTO-Lucena City ay nameke ng kanyang civil service eligibility para mapromote sa trabaho.
Nadiskubre umano ng CSC na gumamit ng isang tao si Mendeja upang kumuha ng eligibility exam noong Abril 1, 2001 sa Lucena City at naipasa ito. Sinasabing makailang beses nang nag-take ng Career Service Professional Examination si Mendeja pero bagsak ito kaya kumuha ng taong kukuha ng naturang eksamin para sa kanya.
Nakasaad pa sa desisyon na nang maipasa ang eligibility exam sa rating na 86.76 percent sa pamamagitan ng ibang katauhan, nagamit ito ni Mendeja na mapromote bilang supply officer 1 noong Nobyembre 8, 2001 ng LTO Regional Office 4, Lipa City hanggang sa maging OIC ng registration division ng LTO Lucena City.
Hindi naman pinakinggan ng CSC ang alegasyon ni Mendeja sa kanyang counter affidavit na walang katotohanan ang pamemeke ng result ng eligibility exam.
Isang Exuperancia V. Aguilar, supervising Transportation Regulation Office ng LTO Lucena, ang nagsampa ng kaso kay Mendeja noong 2005 nang malaman na nakapuwesto ito sa pamamagitan ng pekeng eligibility. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending