5.6M OSY target ibalik sa eskwelahan
Target ng Department of Education (DepEd) na maibalik sa eskuwelahan ang may 5.6 milyong school-age children na hindi nag-aaral.
Ayon kay Education Secretary Jesli Lapus na kailangan na maibalik sa eskuwelahan ang mga out of school youth (OSY) upang maging maliwanag ang kinabukasan ng mga ito at hindi mapariwara ang mga buhay.
Dahil dito ipinatutupad ng DepEd ang Project REACH (Reaching All Children) kung saan nakikipag-ugnayan ang ahensya sa komunidad upang mahanap ang mga batang hindi nag-aaral at maibalik sa loob ng paaralan.
Sa datos ng DepEd, 2.2 milyong bata na edad 6-12 taon at 3.4 milyong edad 12-15 ang hindi nag-aaral.
Nasa anim na porsyento naman ang drop out rate sa elementarya at 7.5 porsyento sa high school.
Sinabi ni Lapus na hindi lamang nila problema ang paghikayat sa mga batang mag-aral kundi problema rin na panatilihing pumapasok ang mga ito hanggang makatapos ng high school. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending