Huwes sinopla ng SC
Sinopla ng Korte Suprema ang isang hukom na makailang ulit na umaapela sa desisyong kumatig sa mga pulis na inakusahang hindi umaksiyon kaugnay sa kasong kinasasangkutan ng kaniyang katulong, na inakusahang nagnakaw.
Hindi pinakinggan ng SC 1st Division ang kahilingan ni Judge Adoracion G. Angeles at sa halip ay pinaliwanagan ito na wala siyang legal personality na mag-apela.
Dahil dito, tuluyan nang makababalik sa serbisyo at makatatanggap ng back wages at iba pang benepisyo sina P/Insp. John A. Mamauag, SPO2 Eugene Almario, SPO4 Erlinda Garcia at SPO1 Vivian Felipe,
Kaugnay ito sa inihaing petition for review ni Judge Angeles na kumukuwestiyon sa hatol ng CA noong Setyembre 6, 2001 at kautusan ni dating PNP Chief Recaredo Sarmiento II (PNP Chief) noong 1997 at ang Marso at Hunyo 30, 2000 resolution ng National Appellate Board (NAB) ng Napolcom.
Ang mga nasabing pulis ang humawak sa reklamong qualified theft laban sa mga katulong ni Angeles sa Baler Police Station 2, Central Police District Command.
Dahil sa hindi umano pagrehistro sa logbook o police blotter ng mga ninakaw na alahas at mga damit ng mga katulong at hindi pagsasagawa ng kaukulang imbestigas yon, naghain ng kasong administratibo si Angeles laban sa mga nasabing pulis upang masibak sa serbisyo.
Nang ibasura ng legal affairs ang reklamo ni Angeles ay inakyat naman ng huli sa PNP chief na nagdesisyong guilty ang mga pulis at sinibak habang sina SPO1 Felipe at SPO4 Garcia ay naabswelto.
Hindi umano nasiyahan si Angeles at iginiit na hindi mapawalang-sala sina Felipe at Garcia na hindi na pinaboran ng PNP kaya sa QCRTC naman ito nagsampa ng petisyon laban kay PNP chief Sarmiento.
Subalit nilinaw ng CA na walang legal personality ang isang pribadong complainant, tulad ni Angeles, na iapela ang desisyon ng NAB at Napolcom, na isang disciplining authority. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending