Komite na babalangkas sa rules ng bagong visa, binuo
Bumuo si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Marcelino Libanan ng isang special committee na magbabalangkas sa implementing rules and regulations (IRRs) para sa presidential executive order na magbibigay ng indefinite visa sa mga dayuhang negosyante na kukuha ng 10 o higit pang Pilipinong trabahador.
Binigyan ni Libanan ang five-man committee na pinamumunuan ni Atty. Ronaldo Ledesma, executive chair ng BI board of special inquiry, ng 10 araw upang tapusin ang draft ng IRR para sa Executive Order 758, na lumikha sa Special Visa for Employment Generation (SVEG).
Hinirang ni Libanan si BI technical staff chief Manuel Ferdinand Arbas bilang vice-chair ng komite kasa ma ang tatlong legal officers ng BI bilang miyembro.
Inatasan ni Libanan ang mga miyembro ng komite na kumonsulta sa ibang government agencies at iba’t ibang foreign chambers at consulates para sa kanilang komento at panukala para sa rules na sasaklaw sa pagpapatupad ng bagong visa.
Pinirmahan ng Pangulo noong Lunes ang executive order na magtatakda ng guidelines para sa pagbibigay ng SVEG.
Idinagdag pa ni Libanan na handang-handa na ang BI na tulungan si Pangulong Arroyo na maabot ang hangarin nito na gawing paboritong destinasyon ng foreign investments ang Pilipinas sa harap ng nararanasang problemang pampinansiyal ng ilang bansa.
Ang mga dayuhan na bibigyan ng nasabing visa ay ituturing na special non-immigrants na may multiple entry privileges at conditional extended stay, nang hindi na kailangan pa ng paunang pag-alis sa Pilipinas. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending