Bawas pasahe aprub na!
Pormal na inanunsiyo ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang rollback sa pasahe sa mga pampasaherong jeep, Metro Manila buses at provincial buses nationwide.
Ito ay makaraan ang isinagawang public hearing kahapon ng LTFRB board sa pagitan ng transport sector mula sa jeep at bus sa pangunguna ng Metro Manila Bus Operators Association, Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) at sa jeepney association na Pasang Masda, Piston at Fejodap.
Sa desisyon ng LTFRB board, epektibo ngayong Biyernes ang 50 sentimos na bawas pasahe sa mga pampasaherong jeep sa buong bansa. Bunsod nito, magiging P8.00 na lamang ang minimum fare sa unang apat na kilometro mula sa P8.50. Hindi naman magagalaw ang halaga ng suceeding kilometer.
Sa Metro Manila buses naman, sa ordinary ay magiging P9.50 mula sa dating P10 habang sa aircon MM buses ay P11.00 mula sa P12.00 sa unang limang kilometro.
Sa provincial buses, 50 sentimos bawas sa ordinary buses at P1.00 sa aircon.
Hindi na mag-iisyu ang LTFRB ng fare matrix dahil ito ay provisional fare rollback.
Gayunman, sinabi ni Homer Mercado, National President ng PBOAP at Alexander Yaque, spokesman ng Metro Manila Bus Operators Association na sa Lunes, November 10 na lamang nila ipatutupad ang fare rollback dahil aayusin pa nila ang kanilang pang ticket.
Samantala sa Biyernes, November 7 naman ipatutupad ng mga pamunuan ng jeepney association ang bagong pasahe.
Kaugnay nito, itinakda naman ng LTFRB board ang Disyembre 3 upang isailalim sa public hearing ang main fare rollback petition na P1.50 sa unang apat na kilometro sa passenger jeepney at P2.00 fare rollback sa passenger buses. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending