PASG nagpasaklolo na sa COA, BIR: Libro ng oil firms pinabubuksan
Humingi ng tulong kahapon ang Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) sa Commission on Audit at Bureau of Internal Revenue para piliting ilabas ang libro ng Unioil at Oilink bunsod umano ng impormasyon na hindi nagbayad ng P2.7 bilyong buwis sa gobyerno noong nakaraang taon.
Sa isang liham na pinadala ni PASG Dir. Usec. Antonio Villar kay BIR Commissioner Atty. Sixto Esquivias IV at COA Chairman Reynaldo Villar, nais nitong ipa-audit ang mga stocks na langis sa oil depot ng nasabing kumpanya sa Mariveles, Bataan kung sapat itong ipambayad sa buwis na hindi umano nito binayaran ng ilang taon.
Nais din malaman ng PASG kung talagang sinadya umano ng Unioil at Oilink na isahan ang gobyerno sa pamamagitan ng hindi pagbabayad ng customs duties and taxes ng kanilang mga parating na langis para makasuhan ng economic sabotage kung mapapatunayang totoo ang natanggap nilang impormasyon.
Ayon kay Usec Villar, hindi nila lulubayan sa halip ay patuloy nilang tututukan ang dalawang kumpanya hangga’t hindi nakakapagbayad ng utang sa gobyerno.
Tiniyak din si Villar na ipaghaharap nila ng demanda sa korte ang may-ari ng dalawang kumpanya dahil sa hindi umano pagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno.
“Kung nagagawa nila noon na takasan ang kanilang obligasyon, hindi ito uubra sa PASG dahil malinaw ang utos ng Pangulo na habulin namin ang mga smugglers kahit sino pa man yan,” ani Villar. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending