School directress sinibak dahil sa pre-marital sex
Kinatigan kahapon ng Court of Appeals ang pag kakatanggal sa trabaho ng isang empleyada ng isang eskuwelahan na nabuntis kahit walang asawa o nakipagtalik nang hindi muna nagpapakasal.
Sa desisyon ng CA na isinulat ni Associate Justice Portia Alino Hormachuelos, dinismis ng hukuman ang petisyon ni Cheryll Santos-Leus na humihiling na ipawalambisa ang desisyon ng St. Scholastica-Westgrove na tanggalin siya sa kanyang posisyon bilang director ng Lay Apostolate/ Community Outreach Directorate ng eskuwelahan.
Tinanggal si Leus dahil sa kinasangkutan niyang pre-marital sex.
Noong June 11, 2003 tinanggal ng eskuwelahan sa trabaho si Leus matapos matuklasang nabuntis siya nang hindi pa naikakasal.
Ayon sa liderato ng St Scholastica’s, bahagi ng kanilang pinatutupad na alintuntunin ang mga patakarang pinaiiral ng Simbahan lalo na ang mga may kaugnayan sa moralidad at imahe ng bawat mananampalataya.
Itinuturing anilang kahihiyan at insulto sa institusyon ang pagkakaroon ng mga kawaning nabubuntis nang hindi kasal.
Dahil dito, naghain ng kasong illegal dismissal sa National Labor Relations Commission ang petitioner subalit dalawang beses na ibinasura ang kaso.
Sinabi ng CA na ang petitioner bilang isang mataas na opisyal ng organisasyon ay inaasahang magiging role model sa kominidad ng mga mana nampalataya. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending