Alis 'malas': NAIA 3 ipapa-pungsoy
Dahil sa sunud-sunod na naranasang ‘kamalasan’ sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ay inirekomenda ng isang opsiyal ng NAIA kay MIAA General Manager Al Cusi na patingnan sa mga “feng shui” expert ang buong gusali at paligid ng NAIA 3 para maiwasan ang negatibong vibration kung meron man.
Base sa rekord, isang security guard ang nasawi may dalawang taon na ang nakalilipas habang kasagsagan ng pag-aayos sa NAIA 3 nang tumalsik siya sa sinasakyang motorsiklo. Tumama at bumagok ang ulo nito sa konkretong pader ng nasabing paliparan at agad na nasawi.
Noong Marso 29, 2006, gumuho naman ang isang bahagi ng kisame ng NAIA 3 malapit sa entrance ng arrival area dahilan upang maantala ang nakatakdang pagbubukas nito noong Marso 31, 2006.
Dalawa pang magkasunod na insidente ang nangyari nang bumagsak ang kisame ng NAIA 3 matapos ang pagbubukas nito noong Hulyo 22, 2008. At nitong nakalipas lamang na linggo, isang ginang na iniwan ng asawa ang nagbigti gamit ang scarf sa ikaapat na palapag ng naturang paliparan. Nakaligtas ang ginang dahil sa maagap na mga airport personnel.
Nabatid na ang kinatitirikan ngayon ng NAIA 3 ay dating sakop ng isang buong village at isang nakatayong simbahan malapit sa daanan nito. Pinaniniwalaan na maaaring may mga di nakikita ang’nasagasaan’ sa nasabing lugar.
Karaniwang isinasagawa ng mga Tsino ang “feng shui” sa kanilang mga kabahayan o kinatatayuan ng kanilang negosyo upang madetermina ang maling posisyon ng mga bahagi nito na pinaniniwalaang nagiging suwerte o malas sa tao at negosyo. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending