Tax exemptions ilalaban na sa Jan '08 maumpisahan
Nagsimula na sanang lasapin ng mga minimum wage earners sa bansa ang pinakahihintay na tax exemptions noon pang Enero ng taong kasalukuyan kung hindi sa pagpipilit ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ma-delay ang implementasyon nito.
Sa isang forum, nagpa hayag ng labis na kalungkutan si Escudero na ginagawa umano ng BIR ang lahat ng sakop ng kapangyarihan nito upang ibinbin ang pagpapatupad ng tax exemption bill na naglalayong pakinabangan ng mga ordinaryong masa at middle income families.
Sa ilalim ng bill na iniakda ni Escudero, ang minimum wage earners ay di kasama sa pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng nakalululang withholding taxes.Sakaling kumita ng ‘extra’ ang isang taxpayer dahil sa pagsa-sideline, ang maari lamang buwisan ay ang kinitang `extra’.
Ani Escudero, ang gusto ng BIR ay isama pa din ang minimum wage sa ‘extra income’ pagdating sa pagbubuwis at ito aniya ay taliwas sa layunin ng kanyang isinulong na tax exemption bill.
Ibinunyag pa ni Escudero na ipinipilit umano ng BIR na dapat ay sa buwan lamang ng Hulyo umpisahan ang pagbibigay ng tax exemptions dahil sa nasabing buwan naipasa ng Senado ang nasabing tax exemption law.
Binigyang-diin naman ni Escudero na batay sa pagsasaliksik ng kanyang tanggapan, maliwanag sa naunang desisyon ng Korte Suprema na ang mga tax exemption bills gaya ng kanyang iniakda ay dapat na maging ‘retroactive’ ang implementasyon..
“Sa kasong ito, dapat na ang tax exemptions ay mag-umpisa ng Enero 2008,” ani Escudero.
Kaugnay nito ay nanawagan si Escudero sa BIR na i-apply man lang ang tax exemptions para sa mga natitira pang buwan ng taong kasalukuyan upang pakinabangan na ng ordinaryong mamamayan.
Nakalulungkot umano na habang kinukuwestiyon pa ng BIR ang petsa ng implementasyon ng tax exemptions ay mga minimum wage earners ang nagdurusa dahil hindi nila napapakinabangan ang nararapat para sa kanila. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending