Mahistrado tinawag na ‘denial king’
Tinawag na “sinungaling” at “denial king” ni Associate Justice Myrna Dimaranan-Vidal ang kanyang kapwa Mahistrado na si Justice Vicente Roxas sa patuloy na pagdinig kahapon ng Supreme Court (SC) 3-man panel kaugnay pa rin sa imbestigasyon sa bribery case sa Court of Appeals (CA).
Pinabulaanan ni Vidal ang sinabi ni Roxas na hinihingi ng una sa huli ang draft ng kopya ng desisyon sa kaso ng Meralco at nangakong ibabalik ito kinabukasan sa sandaling napag-aralan at napirmahan na.
Nilinaw ni Vidal na boluntaryong nagtungo sa kanya si Roxas noong Hulyo 8,2008 upang dalhin ang final decision at nakalagay pa ito sa isang mamahaling bag at mayroon din itong tatlong kopya ng draft para pirmahan nito at ng chairman ng division.
Bilang patunay umano, si Roxas pa ang nagpunta sa chamber ni Vidal at hinahanap ito at sinabing akala ng una ay hindi pipirma ang huli sa final decision kung saan personal din nitong dinala ang Temporary Restraining Order (TRO).
Samantala, hiniling ng kampo ng emisaryo ng Meralco na si Francis de Borja sa investigating panel na ipatawag din si Presidential Commission on Good Government (PCGG) chairman Camilo Sabio kaugnay sa isyu ng suhulan sa CA matapos na banggitin ang pangalan nito ng kanyang kapatid na si Justice Jose Sabio. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending