Palasyo sabit sa P1-B GSIS scam
Dawit ang Palasyo sa isinampang mga kasong kriminal at katiwalian sa Ombudsman laban kay Government Service Insurance System president Winston Garcia at iba pang opisyal ng pension fund kaugnay sa P1 bilyon halaga na naibigay ni Garcia sa Office of the President noong 2004.
Ang mga reklamo ay isinampa ni Albert Velasco, ang sinibak na presidente ng unyon sa GSIS.
“Ito ay kinukwestiyon namin. Habang ang ibang members ng GSIS ay naghihirap, yung iba nag-reretire na walang nakukuha, ay ganun ganun na lang ang pagbibigay ni Garcia sa Malacañang,” pahayag ni Velasco.
Anya, ang P1 bilyon pondo ay hindi dapat dinala sa Malakanyang at sa halip ay ipinamigay sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Velasco, kahit ang kapangyarihan ng Kongreso ay kinopo na ng pamunuan ng GSIS sa pangunguna ni Garcia, ng ilabas ng mga ito ang GSIS Resolution 188 noong Agosto 13, 2003, na isa umanong pag-amyenda sa GSIS Act of 1997 na ipinasa ng Kongreso.
Sa naturang amyenda ay binawasan pa umano ng board of trustees ang mga benepisyong dapat matanggap ng mga miyembro ng GSIS na isang paglabag sa batas dahil hindi saklaw ng kanilang kapangyarihan ang pagbabawas ng mga benepisyo sa mga miyembro.
Noong Disyembre 6, 2004 ay isa na naman umanong resolusyon ang ipinasa ng grupo ni Garcia kung saan naglipat ang pension fund ng may P1 bilyon para sa Office of the President sa halip na sa National Treasury tulad ng itinatadhana ng batas.
“Malinaw na ito ay iligal at immoral,” pagdidiin pa ni Velasco sa panayam ng media kahapon, ilang minuto matapos maisampa ang mga reklamo.
Suportado naman ng mga empleyado sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno ang pagsasampa ng kaso kay Garcia.
Ilan sa mga nagpahayag ng suporta ay mga empleyado ng Department of Trade and Industry (DTIEU), LWUA Employees Union for Progress, emple yado ng National Police Commission (NAFEMA), at samahan ng mga retiradong public school teachers (KAGURO).
Hiningi din ni Velasco sa Ombudsman ang agarang pagsuspindi kay Garcia at iba pang mga miyembro ng GSIS Board of Trustees na sina Bernardino Aves, chairman, Victoria Ablan, Jesse Andres, Mario Ramirez, Esperanza Ocampo, Reynaldo Palmiery, Alejandro Roces, Jesus Santos at Nita Javier upang matiyak na hindi sila maka-impluwensiya sa takbo ng kaso.
Pinai-inhibit din nito si Ombudsman Merceditas Gutierrez sa pagdinig sa reklamo dahil ito ang presidential legal counsel ni Pang. Arroyo sa panahong natanggap ng Malacanang ang P1 bilyon mula sa GSIS.
- Latest
- Trending