P10-M ransom kay Ces Drilon
Humihingi ng P10 milyong ransom ang mga bandidong Abu Sayyaf kapalit ng pagpapalaya sa reporter ng ABS-CBN na si Ces Drilon at dalawa nitong cameramen na dinukot sa Maimbung, Sulu noong Linggo ng isang grupo ng mga bandido na pinamumunuan umano nina Albader Parad at Gafur Jumdail.
Ayon kay Police Chief Supt. Joel Goltiao, dumating sa Sulu sina Drilon noong Sabado dahil sa imbitasyon ni Mindanao State University Professor Octavio Dinampo para magkober sa isang okasyon.
Bandang Linggo ng umaga, sinundo ni Dinampo ang tatlo sa isang university hostel pero sinabat sila ng mga bandido sa Kusali, Maimbung.
Sinabi ni Sulu Police Chief Supt. Julasirim Kasim na may hinalang baka dinala ang tatlong empleyado ng ABS-CBN sa liblib na lugar ng Indanan.
Sinabi ng mga awtoridad na tinanggihan ni Drilon na samahan sila ng militar sa pagligid nila sa lalawigan.
Sa isang pahayag, nakiusap ang ABS-CBN sa mga mamamahayag na mag-ingat sa pagbabalita para sa kaligtasan ng mga biktima. Nakikipag-ugnayan ang kumpanya sa mga pamilya nina Drilon at hiniling na igalang ang kagustuhan ng mga ito na huwag humarap sa media.
Iniutos na kahapon ni Pangulong Arroyo sa militar at pulisya ang agarang pagsagip kay Drilon at sa mga cameramen na sina Jimmy Encarnacion at Angelo Valderama. “The President has already instructed the AFP and PNP to exhaust all means to identify the abductors of Ces Drilon the soonest possible time,” wika ni Deputy Presidential Spokesperson Lorelei Fajardo.
Nag-alok din ng tulong ang Moro Islamic Liberation Front sa pakikipagnegosasyon sa mga kidnapper.
Si Dinampo ang sinasabing guide nina Ces para sa misyong ma-interbyu rin si Abu Sayyaf Commander Radulan Sahiron alyas Commander Putol na may patong sa ulong P5 milyon.
Ayon sa mga impormante, sa Mt. Tumatangis sa Indanan itinatago ng mga kidnappers sina Drilon, Encarnacion at Valderama na diumano’y guwardyado ng tinatayang mahigit 100 armadong bandido.
Ang nasabing lugar ay kasalukuyang pinalilibutan na ng tropa ng Philippine Marines at ng pulisya upang maiwasang mailipat ng lugar ang nasabing mga bihag.
Nabatid na kumakalat sa text messages ang iba’t-ibang halaga ng ransom demand gaya ng P10M, P20M, P50M at P100M kapalit ng pagpapalaya sa mga bihag pero sinabi ni Goltiao na tanging P10M ang nakarating sa kaniyang kaalaman kung saan ay hindi pa ito kumpirmado.
Sa kasalukuyan, ayon kay Goltiao, iniimbestigahan nila kung ano ang naging papel ni Dinampo sa insidente at kung talagang kasama itong dinukot. Hindi anya sigurado ang pulisya kung kasama si Dimampo sa mga kinidnap.
Ito ang ikalawang pagkakataon na binihag ng mga bandido ang crew ng ABS-CBN. Una rito ang reporter na si Maan Macapagal at crew nitong si Val Cuenca sa kainitan ng coverage sa Sulu hostage crisis noong 2000.
- Latest
- Trending