Toothpick ieendorso ni Enrile
Kung si Senador Juan Ponce Enrile ang mag-eendorso ng produkto, ang nais niyang iendorso ay toothpick o kaya ay panlinis ng dila.
Ito ang pabiro niyang tugon ng kapanayamin tungkol sa dumaraming bilang ng mga senador na napipiling mag-endorso ng mga produkto sa telebisyon.
Kasabay nito ay pinayuhan ni Sen. Pia Cayetano, pinuno ng Senate Committee on Ethics and Privileges ang mga public officials na mag-ingat at piliin ang eendorso nilang produkto.
Ayon kay Cayetano, may malaking pananagutan ang mga nag-eendorso ng produkto at maaring makaladkad ang kanilang pangalan kung papalpak ang produkto.
Bagaman at isa rin si Cayetano sa mga senador na may commercial sa telebisyon dahil personal nitong iniindorso ang “Downy, isang banlaw”, idinagdag nito na may kinalaman naman sa pagtitipid sa tubig ang kanyang commercial.
Naging isyu ang paglabas ng mga pulitiko sa mga commercial matapos mapaulat na kulang umano sa sangkap ang Lucida DS na iniendorso ni Sen. Loren Legarda.
May kanya-kanya ring commercial sina Sen. Richard Gordon na nag-eendorso ng Safeguard; Sen. Panfilo Lacson, model ng Facial Care Center; Sen. Mar Ro xas, Tide; Sen. Alan Francis “Chiz” Escudero, Curculan; at Sen. Kiko Pangilinan, Lucky Me. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending