Bank massacre: 9 empleyado patay
Siyam na empleyado ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) ang minasaker kabilang ang bank manager habang isa ang nasa kritikal na kalagayan matapos pasukin ng hinihinalang mga miyembro ng notoryus na bank robbery/holdup gang ang sangay nito sa Cabuyao, Laguna kahapon ng umaga.
Kinilala ni Chief Supt Ricardo Padilla, Police Director ng Police Regional Office (PRO) 4-A ang ilan sa mga biktima na sina Roberto Panganiban Castro, bank manager; Ferdinand Bernard Antonio, Benjamin Nidao Jr., Juan Layba, Bernardo Papaan Jr., Noel Olaez Miranda, isang security guard na nakilala lamang sa pangalang Aguinaldo, at 2 pang empleyada na inaalam pa ang mga pangalan.
Ayon kay Laguna Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Felipe Roxas, nadiskubre ang krimen matapos na isang depositor ng bangko ang magreklamo dahil pasado alas-9 na ng umaga ay hindi pa rin nagbubukas ang sangay ng RCBC na nasa Brgy. Pulo,
Nang inspeksyunin ng isa pang guwardiya ang likuran ay bukas na kaya humingi sila ng responde sa mga pulis at doon na nakita ang nakabulagtang mga tellers, clerk, bank manager, messenger at isa pang guwardiya.
“Execution ang nangyari sa mga biktima nakahilera ang bangkay nung walong empleyado na napatay sa loob, lahat sila sa ulo ang tama ng bala, 1st time lang itong nangyari sa Cabuyao,” ayon kay Roxas.
Ito na ang itinuturing na pinakamadugong krimen sa kasaysayan ng bank robbery sa bansa.
Kabilang sa napatay ang branch manager na si Robert Castro habang ang pangsiyam ay ang guwardiya ng bangko na natagpuan sa labas ang bangkay.
Samantala, ang operations manager ng bangko ay kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan.
Ayon sa report, walang indikasyon na puwersahang pinasok ang bangko at posibleng kilala ng mga biktima ang mga holdaper dahil lahat ng mga ito ay siniguradong patay na saka inihilera ang mga bangkay bago nagsitakas.
Sinasabing gumamit pa ng silencer sa baril ang mga salarin.Armado ang mga suspek ng kalibre .38, .45 at 9mm.
Magulong-magulo rin ang loob ng bangko at nagkalat ang mga pera at bukas ang vault. Hindi pa matiyak kung magkanong halaga ang natangay ng mga salarin na dumaan sa backdoor ng bangko sa kanilang pagtakas.
Ayon naman kay Police Regional Office (PRO) 4 Director Chief Supt. Ricardo Padilla, may hinala sila na nasa loob na ng bangko ang mga suspect at hinintay ang pagpasok ng mga empleyado.
Sinabi ni Padilla na hindi na gawa ng tao kundi mga hayop ang ginawa ng mga itong pamamaslang sa mga biktima.
Sinisilip na ang posibleng anggulo ng inside job sa insidente dahilan nawawala umano ang dalawang guwardiya ng bangko na dapat ay naka-duty ng maganap ang insidente.
Bumuo na rin ang pulisya ng task force upang agad maresolba ang krimen.
Kaugnay nito, nag-alok ng P100,000 reward money si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa sinumang makakapagturo sa mga suspek. (Dagdag ulat ni Malou Escudero)
- Latest
- Trending