Illegal mining sa Zambales wawalisin
Nangako kahapon si Environment and Natural Resources Secretary Lito Atienza na susuportahan niya ang kampanya ng mga lokal na opisyal para maitigil at mawalis ang patuloy na operasyon ng ilegal na minahan sa bayan ng Sta. Cruz sa Zambales.
Nagkaroon na ng tensiyon sa naturang bayan nang ang mga lokal na opisyal ng Sta. Cruz ay kuwestyonin ang malawakang operasyon ng Benguet Minining Corp. sa naturang bayan. Nilinaw ng mga opisyal ng Sta. Cruz na ang naturang mine sites ay matatagpuan sa loob ng tourism areas na isang paglabag sa batas.
Pinasalamatan naman ni Sta. Cruz Mayor Luisito Marty ang pahayag ni Atienza na sila ay tutulungan ng Kalihim para matigil na ang ilegal na operasyon ng minahan sa naturang bayan. Unang sinabi ni Marty na dahil sa operasyon ng minahang ito ay nagkulay kalawang na ang kanilang ilog dahil sa likhang polusyon sa tubig ng ores na posibleng malaking banta sa kalusugan ng mga residente dito. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending