Anomalya sa billiard body kinondena ni ‘Bata’ Reyes
Tahasang binatikos kahapon ni billiard national sports hero Efren “Bata” Reyes ang aniya’y anomalya sa liderato ng Billiards Snookers Congress of the Philippines (BSCP).
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Reyes na ang mga bilyaristang miyembro ng Billiards Managers Professional Players Association of the Philippines (BMP) ay mariin ang paninindigan na hindi sasali sa mga torneong inorganisa ng BSCP hanggat ang mga lider na namumuno dito ay incompetent at ang nais lamang ay pagkakitaan ang bilyar at mga manlalaro.
Kinampihan ng mga professional billiard players sa bansa si Reyes na nagpalabas ng isang manifesto kamakailan na kinokondena ang umano’y korupsyon sa loob ng BSCP lalo na ukol sa milyun-milyong pondo nito na mula sa pamahalaan na idina-divert umano sa Raya’s Sports na personal na negosyo ng isang mga opisyal nito.
“Kami ay humihingi ng paliwanag kay Ginoong Makabenta kung saan napunta ang mga pondong naibigay ng gobyerno sa Raya Sports, isang pribadong kumpanya na pag-aari ni Makabenta at kung bakit hindi siya makasuhan ng graft and corruption at malversation of public funds,” pahayag ng mga manlalaro sa isang manifesto.
Napag-alaman na may conflict of interest dahil si Yen Makabenta na chairman ng BSCP ay siya ring pangulo ng Raya’s Sports na sarili niyang negosyo na kumukuha umano ng milyun-milyong pisong pondo mula sa asosasyon.
- Latest
- Trending