Bayani pagpapaliwanagin sa MMFF
Nakatakdang ipata wag ngayong Martes ng Senado si Metro Manila Development Authority Chairman Bayani Fernando kaugnay sa sinasabing iregularidad ng pangangasiwa ng Metro Manila Film Festival.
Nais silipin ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na pinamumunuan ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. kung papaano kinakalap at pinamamahagi ng MMDA ang kita ng MMFF. Ang MMDA ang namamahala sa nasabing film festival.
Ginawa ng mataas na kapulungan ang hakbang bilang tugon naman sa mga reklamo ng mga major stakeholders sa lokal na industriya ng pelikula.
Sinabi ni Revilla na may mga kinukuwestiyon ang mga local film industry sa paghahawak sa pondong mula sa film fest. Nangangamba ang mga ito na hindi pa rin malinaw ang mga alituntunin sa pamamahagi ng kita sa mga benepisaryo nito.
Nakasaad sa dokumentong hawak sa ngayon ng senador na lumilitaw na magulo ang komputasyon sa mga benipisaryo sa MMFF mula noong taong 1986 hanggang 2001, na umaabot umano sa 19% ang percentage ng amusement tax sa gross ng MMFF, na bumaba pa ito sa 10% sa 2002 at mas lalong lumagpak pa sa 3% noong 2006. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending